4 'estribo gang' member nasakote

Nadakip na ng mga operatiba ng Western Police District ang apat na miyembro ng "estribo gang" na hinihinalang responsable sa serye ng holdapan sa mga pampasaherong jeepney matapos na mabiktima nila ang isang pasaherong opisyal ng pulisya sa Ermita, Maynila kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Supt. Ernesto Ibay, Station commander ng Ermita Police Station 5 ang mga miyembro ng naturang gang na sina Jonel Ilustre, 34; Mario Santos, 18; pawang taga-Cabildo st., Intramuros; Rolando Yangco, 20, ng Torcillos st., Lakandula, Dagat-Dagatan, Caloocan at Benjamin Caringal, 18, ng Docepic st., Paco, Maynila.

Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Carlos Santos, may hawak ng kaso, dakong alas-7 ng umaga kahapon nang sumakay si Insp. Julian Olonan, nakatalaga sa WPD-Station 8 sa pampasaherong jeep na biyaheng Stop and Shop at Avenida, Rizal, Sta. Cruz, patungong Baclaran.

Hindi pa man nakakalayo ang kanyang sinasakyang jeep nang magdeklara ng holdap ang isa sa suspek na si Mario Santos sa tapat ng National Museum sa P. Burgos st., Ermita.

Nagkataon na ang tinutukan ng patalim ng naturang suspek ay si Insp. Olonan at saka kinuha ang kanyang diver’s watch, cellular phone at wallet na naglalaman ng P1,300 at tinangayan rin ang ilang pasahero ng kanilang salapi at alahas bago tuluyang nagsitakas ang mga suspek.

Mabilis ding bumaba ng sasakyan si Olonan at sinundan ang mga ito at nagawang madakma si Ilustre, ang bading at sinasabing lider ng naturang gang.

Dinala ni Olanan sa Luneta police detachment si Ilustre at kaagad na bumuo ng grupo ng pulis si Chief Insp. Jimmy Tiu, hepe ng Rizal Park PCP at nagsagawa ng follow-up operation sa Cabildo st. sa Intramuros at dito nakita ang tatlo na aktong naghahati-hati ng kanilang nakulimbat. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments