Ayon kay Bohol Rep. Ernesto Herrera, tama lamang na sumailalim sa drug test ang anak ng senador matapos lumabas sa mga pahayagan na tinutugis ng mga tauhan ng Drugs Enforcement Unit (DEU) ng Makati police ang anak nito dahil sa pagkakasangkot nito sa droga.
"Bilang isang halal na senador, dapat na magpakita ng magandang halimbawa si Sen. Jaworski at boluntaryo niyang ipa-drug test ang kanyang anak," ani Herrera.
Kung mapapatunayan umanong negative naman sa ipinagbabawal na gamot si Ryan Joseph ay walang dahilan upang isailalim pa ito sa imbestigasyon ng pulisya.
Subalit kung mapapatunayan naman umanong gumagamit nga ito ng ipinagbabawal na droga ay dapat itong isailalim sa drug treatment at dalhin sa isang rehabilitation center.
Inimbitahan ng Makati police si Ryan Joseph Jaworski upang mabigyang-linaw ang balita na tinangka niyang bumili ng shabu sa isang drug pusher na nagngangalang Michael Calimbahin na naaresto noong Lunes.
Hindi umano alam ng batang Jaworski na nang tangkain nitong bumili ng shabu kay Calimbahin kasama ang isang babae ay under surveillance na ito ng PNP.
Nang palibutan na umano ng mga pulis si Calimbahin habang pinagbibilhan nito ng shabu si Ryan Joseph ay nagpakilala ang huli na anak ni Sen. Jaworski.
Pagkabigay umano ni Ryan Joseph ng kanyang business card sa mga pulis ay bigla itong tumakas sakay ng kanyang Ford F150.
Sa isang TV interview ay sinabi naman ni Sen. Jaworski na hindi tumakas sa mga pulis ang kanyang anak dahil kung tatakas umano ito ay hindi na mag-iiwan ng kanyang calling card. (Ulat ni Marilou Rongalerios)