Habang binabagtas ang kahabaan ng Quezon Avenue sa tapat ng Sto. Domingo church dakong alas-8:30 ng umaga lulan ng kanyang Nissan black Cefiro ay bigla na lamang hinarang ni MMDA traffic enforcer Lolita Valenzuela ang sasakyan nito.
Nabigla naman umano ang driver ni Perez kayat nakipag-usap ito kay Valenzuela at sinabing wala itong paglabag na ginawa, subalit iginiit ng traffic enforcer na 6 ang plate number ng sasakyan at dahil Miyerkules ay paglabag ito sa Color Coding Scheme ng MMDA.
May ilang segundong nagtalo si Valenzuela at driver ni Perez na naging sanhi ng pagkabuhol na rin ng trapiko sa lugar. Nang mapansin na sumisikip na ang daloy ng trapiko ay personal nang bumaba sa sasakyan ang Kalihim at hinarap si Valenzuela.
Nang makita si Perez ay agad na itong nakilala ni Valenzuela at humingi ng paumanhin subalit iginiit pa rin nito na bawal ang 6 na ending sa plate number tuwing Miyerkules.
Ipinaliwanag naman ni Perez na hindi 6 ang ending ng kanyang plate number bagkus ito ang beginning, dahil bilang isang Cabinet member ay ito ang kanilang plate number.
"Ang sabi ko sa kanya, hindi ending ang number 6 sa plate number ko, but then, ito ang alpha at omega ng aking sasakyan," ani Perez.
Natawa lamang si Valenzuela at humingi ng paumanhin dahil aminado itong hindi nalalaman ang ganitong mga plate number.
Dahil sa naturang insidente, hiniling naman ni Perez kay MMDA Chair Benjamin Abalos na magkaroon ng seminar sa mga traffic enforcer, partikular na sa mga violation sa batas trapiko.
Ayon pa sa Kalihim, bagamat hindi naman nito minasama ang ginawang paninita ni Valenzuela ay naging "eye opener" ito na marami talaga sa mga enforcer ang kulang sa training. (Ulat ni Grace Amargo)