Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala ng baril sa noo ang suspek na si Francis Mijares, ng 114 Araneta Ave., Bgy. Tatalon. Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center si Richard Embile, 16 at Joel Dipio na nasa National Orthopedic Hospital.
Sa imbestigasyon ni PO2 Edwin dela Cruz ng CPD-Criminal Investigation Division, dakong alas-7:30 ng umaga ng agawin ng mga biktima ang Nokia 3310 cellphone ng biktimang si Melvin Pala sa kahabaan ng E. Rodriguez malapit sa Saint Luke’s Medical Center habang naglalakad ito.
Nagtakbuhan ang mga suspek pero nakahingi ng tulong si Pala kay PO1 Ruel Yepif na nakatalaga sa Precint 1 ng station 11 ng CPD na noon ay malapit sa lugar ng insidente.
Napag-alaman na agad umanong pinagbabaril ni Yepif ang mga suspek kaya nabawi ang cellphone ni Pala.
Ayon naman sa tiyuhin ni Embile na si Rodolfo at mga kaanak ng mga suspek, ang tatlo umano ay hawak ng ilang pulis sa station 11 ng CPD na hindi binanggit ang mga pangalan at binigyan umano sila ng ultimatum na kailangang hanggang alas-12 ng tanghali ay mayroon silang makuhang cellphone para maibigay sa mga girlfriend ng di binanggit na mga pulis.
Patuloy na sinisiyasat ng mga tauhan ng CPD ang naturang insidente habang si Yepif ay nasa pangangalaga ni Supt. Victor Luga, hepe ng CPD at inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso. (Ulat ni Gemma Amargo)