Anak ni Jawo tugis sa droga

Tinutugis na ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Makati police ang anak ni Senator Robert Jaworski matapos itong makatakas sa isinagawang anti-drug operation ng mga awtoridad kamakalawa ng hapon sa Makati City.

Si Ryan Joseph B. Jaworski, 24, ay nakatakdang sampahan ng kasong illegal possession of prohibited drugs.

Nabatid na ang batang Jaworski ay nahuli umano sa aktong bumibili ng shabu sa isang "tulak" na nakilalang si Michael Angelo Lytal Calimbahim, 29, na nakakulong ngayon sa Makati city police detention cell makaraang maaktuhang binebentahan umano ng shabu ang anak ng nasabing senador sa kanto ng Eran st. at Edsa Ave., Bgy. Pinagkaisahan nabanggit na lungsod.

Napag-alaman pa na habang kinakausap ng isang arresting officer ang batang Jaworski para imbitahan sa pulisya ay bigla nitong pinaandar ang sinasakyang Ford F-150 vehicle na may plakang RJJ-111 kung saan kamuntik na nitong masagasaan ang isa sa pulis na aaresto sa kanya na kinilalang si PO2 Ramon de Ocampo, nakatalaga sa DEU.

Kabilang sa ebidensiyang nasa pangangalaga ng pulisya ang halagang P1,000 marked money at 1.5 gramo ng shabu na bibilhin sana ng batang Jaworski mula sa suspek na si Calimbahim. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments