Ayon kay Salvador Pecson, ng Kawilihan, Bgy. Manggahan, Pasig City, isa umanong pangha-harass lamang sa kanya ang hiniling na pagpapakasal ng nagreklamo sa kanya na itinago sa pangalang Aiza, estudyante, at kapitbahay ni Pecson.
Sa kanyang salaysay, sinabi ni Pecson na nagtungo umano sa kanyang klinika si Aiza noong nakaraang taon para magpagamot ng ngipin. Muli umano itong bumalik para magpasailalim sa follow-up treatment na ipinaliwanag niyang hindi na kailangan. Idinadahilan naman umano ni Aiza na nakikipagkaibigan lamang siya.
Itinanggi niya na nagkaroon ng pagtatalik sa loob ng klinika dahil sa maghapon umano niyang kasama ang kanilang caretaker na tumutulong sa kanya at ito rin umano ang humahawak ng susi ng klinika.
Hindi rin umano niya tinutukan ng patalim si Aiza noong Dis. 27, 2000 habang naglalakad ito sa subdibisyon.
Ayon pa kay Pecson, kasa-kasama umano niya ang kantang kasintahan na assistant niya sa klinika. Madalas umanong magtungo si Aiza sa tuwing wala ang kanyang nobya at para hindi masira ang relasyon nila ng kasintahan ay nagkusa na umano siya na iwasan si Aiza.
Dito na umano sumugod sa klinika ang babae at pinagmumura ang kanyang kasintahan. Idinagda pa na kinalmot ito sa mukha at leeg kung saan ang pangyayari ay kanyang inireklamo sa Pasig police station 3.
Sa loob ng istasyon, isang pulis umano ang nagtanong kay Aiza kung ano ang gusto nitong mangyari na sinagot ng babae na pakasalan siya. Para hindi humaba ang gulo, sinabihan umano si Pecson ng kanyang ama na kunway pumayag na. Napapirma siya sa isang kasunduan sa police blotter para matigil na ang gulo.
Dito na umano agad na ipinagkalat ni Aiza sa mga kapitbahay ang kanilang kasal at inasikaso ang lahat ng preparasyon. Inamin naman ni Pecson na tumanggi siyang magtungo sa Cainta municipal hall para kumuha ng marriage license, magbigay ng pambili ng wedding dress at lote na may halagang P40,000.
Idinagdag pa nito na tumawag umano si Aiza sa kanyang kapatid na babae at nanghihingi ng P200,000 para tuluyan nang itigil ang panggugulo sa kanya. Nang hindi ito maibigay, nagtungo umano si Aiza sa kanyang bahay at pinagbabato ito kung saan iniulat nila sa pulisya ang pangyayari.
Dito na umano tumawag sa kanya ang isang pulis na nananakot sa kanya na kung hindi maibibigay ang naturang halaga ay magsasampa ito ng kasong rape kung saan tinotoo ito ng babae nitong nakaraang Marso 14. Itinanggi rin ni Pecson na pinaghahanap siya ng mga pulis. (Ulat ni Danilo Garcia)