Ayon kay Atty. Edmund Arugay, hepe ng NBI-Special Action Unit, bumuo na ito ng team na tututok sa kaso ng biktimang si Claudine Mabel Feliciano, 21, ng #227 Ferrari st., Camella Homes, Parañaque City.
Nabatid na mas may tiwala umano ang ama ng dalaga na si Rolando Feliciano na mas magiging madali ang paglutas sa kaso ng kanyang anak kapag NBI ang hahawak bagaman patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Southern Police District.
Si Feliciano ay natagpuang hubad sa isang creek sa Parañaque City ilang sandali matapos silang kumain ng kaibigang si Myra Dacanay sa Ayala Town Center noong Marso 10.
Matapos na ihatid ni Feliciano si Dacanay sa bahay nito ay hindi na nakauwi ang biktima.
Tinatayang apat katao ang humarang sa kotse ng biktima at dinala sa di malamang lugar at gahasain at itapon ang bangkay sa nasabing creek.
Lumalabas sa autopsy report na dalawang uri ng sperm cell ang nakita sa loob ng ari ng biktima na nagpapatunay na halinhinang ginahasa ito.
Bukod dito, nakitaan din ng maraming pasa sa katawan at marka sa leeg ang biktima na palatandaan rin na sinakal ito at ginulpi. Narekober ang sasakyang itim na Mazda na walang plaka ng biktima na siyang ginamit ng mga suspek sa pagtangay sa dalaga at pagkatapos ay inabandona ang kotse sa Lapu-Lapu st., Magallanes Village, Makati city kamakalawa ng umaga.
Kaugnay nito, isa pang babaeng biktima na nakilalang si Janet Balis, 25, na tinangka ring dukutin at gahasain kamakalawa dakong alas-3 ng madaling araw ang nakaligtas sa mga kamay ng mga suspek ng manlaban ang una.
Nabatid kay Balis na namataan niya ang nasabing itim na Mazda na may plakang URN-855 na katugma naman sa sasakyan ng biktimang si Feliciano na ginamit ng mga suspek at inabandona sa Makati City.
Ayon kay Balis, tinatayang 25-30 ang edad ng mga suspek na may pormang may kaya. (Ulat ni Ellen Fernando)