Bold actor sa pelikulang 'Aray' sinaksak nang umawat

Isang bold actor ang sinaksak at malubhang nasugatan ng kanyang kapitbahay matapos awatin ng una ang huli sa ginagawa nitong panggugulo sa b-day party, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Randy Nuñez, 22, may screen name na Justine Moreno na lumabas sa pelikulang "Aray" at nakatira sa Sunville Subdivision, Bgy. Culiat, QC.

Ayon sa ulat, bandang alas-12:30 kahapon ng madaling-araw habang masayang ipinagdiriwang ng pamilya Nuñez ang kaarawan ng bunsong kapatid ng bold actor nang dumating ang suspek na si Ramilito Valdez.

Makaraan ang ilang saglit ay nangulit umano ang suspek sa mga bisita ng aktor kaya kinausap ito ni Nuñez hanggang sa magtalo ang dalawa.

Biglang bumunot ng patalim ang suspek saka sinaksak sa kilikili at dibdib ang aktor habang binugbog naman ng mga bisita ang lasing na suspek.

Isinugod pareho ang biktima at suspek sa Quezon City General Hospital habang kakasuhan naman ng frustrated homicide ang suspek. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments