Dugo dumanak sa EDSA Shrine

Matapos na maging simbolo ng kapayapaan sa nakaraang People Power 1 at 2, naging madugo naman kahapon ng madaling araw ang harapan ng makasaysayang EDSA Shrine sa Mandaluyong City matapos na dalawang lalaki ang namatay nang pagbabarilin sila ng dalawa sa apat na security guard na kanilang nakarambol.

Dead-on-the-spot sanhi ng pagkatadtad ng bala ng shotgun ang mga biktimang sina Elias Galindez, 32, at Noel Canuel, 24, kapwa stay-in sa Corinthian Gardens.

Nasakote naman ang mga suspek na sina Isidro Gobongan, 29, at Jaime dela Cruz,38; Efren Jolo, 44, pawang mga security guard ng Green Berret Security Agency at nagbabantay sa EDSA Shrine. Pinaghahanap naman ngayon ang isa pa nilang kasamahan na si Arsenio Rodriguez na mabilis na tumakas matapos ang pamamaslang.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na bandang alas-2:30 kahapon ng madaling araw ay sinita ni Gobongan si Canuel dahil sa paikut-ikot ito sa EDSA Shrine. Dahil nakainom si Canuel ay nagalit pa ito sa sekyu.

Bumalik naman si Canuel sa kanilang quarters sa Corinthian Garden at tinawag ang tatlo pa niyang kasama sa trabaho kabilang na si Galindez. Muli silang bumalik sa Shrine upang gantihan ang sekyu na isinumbong ni Canuel na umano’y umagrabyado sa kanya.

Hindi naman nila ito nakita sa mismong Shrine bagkus ay naabutan nila si Gobongan na kumakain sa isang Kiosk sa ilalim ng fly over kasama ang isa pang sekyu. Pinuntahan ng apat na maintenance worker ang suspek na si Gobongan at doon ay nagkaroon na ng rambulan na naging dahilan upang magresponde ang ibang security guards.

Nabatid na nagawang makatakas nina Gobongan at ni Rodriguez na nagtungo sa kanilang quarters at kinuha ang kanilang mga shotgun. Habang nakikipagsuntukan ang dalawa nilang kasamang sekyu, pinaulanan ng dalawa ng bala ang kalaban kung saan duguang bumulagta sina Galindez at Canuel. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments