Kinilala ni Senior Supt. Raul Castañeda, DILG-SOG Jericho chief, ang mga naaresto na sina Ernesto Chua Tan, negosyante at ang dalawang truck helper nito na sina Jose Ramos at Edgardo Albanco.
Ayon sa ulat ni Supt. Noel Estanislao, nagtungo sa kanilang tanggapan si George Agregado na pinagkalooban ng special power of attorney ng Lip Hook International Limited na kinakatawan naman ni Mrs. Lucia O’Connor dahil sa misteryosong nailabas mula sa BOC ang kanilang inimport na 2,080 boxes ng Fundador brandy may dalawang linggo na ang nakakaraan.
Sa isang follow-up operations ay natunton ang isang bodega na naglalaman ng mga kahun-kahon ng Fundador sa #7 Malasimbo st., Bgy. Masambong.
Kamakalawa ng hapon ay sinalakay ng mga awtoridad ang nasabing bodega hanggang sa mabawi dito ang may 1,168 kahon ng Fundador habang inaresto ang sinasabing may-ari ng mga epektos na si Tan at tauhan nito.
Sinampahan ng kasong anti-fencing sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga suspek.
Gayunman, itinanggi ni Tan na nakaw ang nasabing mga alak na ipinagkatiwala lamang sa kanya ng isang Henry Salazar dahil kumpleto umano ito sa papeles at gate pass kaya nailabas ng BOC. (Ulat ni Rudy Andal)