Ayon kay Atty. Jovencio Balinguit ng Commission on Elections (Comelec) sa Quezon City na hindi maiiwasang "mabuhay"ang mga patay na botante dahilan na rin sa pamamayagpag ng mga tiwaling botante.
Sinabi ni Balinguit na ang listahan ng lahat na registered voters ng QC ay hindi pa nila narerebisa at hindi pa natatanggal ang mga pangalan ng mga patay dahil wala namang nagpapaabot sa kanila at nagbibigay ng katunayan na ang isang botante ay matagal nang namayapa.
"Sino nga ba naman ang mag-aaksaya ng panahon na magsumbong at magrereklamo sa Comelec para sabihin na patay na ang botanteng yun, gayong maaari niya itong magamit para pagkaperahan,"ani Balinguit.
Kaugnay nito, nanawagan ang Comelec QC sa lahat ng registered voters ng QC na ipagbigay alam ang mga nalalamang botante na patay na para hindi na ito magamit sa pandaraya.
Bukod sa pinangangambahang dayaan, isa ang isyung ito sa titingnan na posibleng gamitin ng ilang tiwaling mga kandidato. (Ulat ni Angie Dela Cruz)