Katulad ng kanyang magiging anak sa kanyang sinapupunan, idineklarang ligtas na rin sa kapahamakan ang biktimang si Sylvia Flores, residente ng #113 San Andres, Malate, Manila. Laking pasasalamat nito dahil sa tagiliran lamang ng kanyang katawan tumama ang dalawang saksak mula sa kanyang asawa at hindi nahagip ang kanyang tiyan na maaaring ikawala ng kanyang anak.
Kasalukuyang naghihimas pa rin ng rehas sa Mandaluyong detention cell ang suspek na si Jimmy Flores, nasa hustong gulang at kasalukuyang naninirahan sa #781 San Francisco st., Las Piñas City. Animo sabog pa rin ito sa droga na hinahanap ang kanyang misis at nakikiusap na palabasin na siya sa pagkakapiit.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa loob ng Room no. 9 ng Bermuda Hotel sa may Sutan st., Mandaluyong City. Nag-check-in umano ang mag-asawa kasama ang kanilang batang anak na lalaki dakong alas-8 noong Biyernes ng gabi.
Bigla na lamang nakarinig ang mga roomboy ng motel ng sigawan ng mag-asawa ng naturang oras. Nang kanila itong puntahan, dito nila nakita ang duguang biktima habang nakasuksok sa isang sulok ang suspek. Walang tigil naman ang pag-iyak ng anak ng mga ito.
Agad na dumating ang mga pulis at nasukol ang suspek. Sa loob ng ospital, habang inililigtas ang buhay ni Sylvia, dito nadiskubre na nagdadalang-tao ito at dalawang buwan na ang sanggol sa kanyang tiyan.
Ipinagtapat ni Sylvia kay PO2 Robert Eugenio, imbestigador, na wala umano silang pinag-awayan ng kanyang mister nang pumasok sila sa naturang motel. Masaya umano sila ng naturang gabi ngunit nagulat na lamang ng biglang atakihin siya nito kinaumagahan.
Ayon pa sa biktima, magkahiwalay na umano sila ng tirahan ng suspek dahil sa pagiging sugapa nito sa droga. Maaari umanong umiskor ito ng droga nang hindi niya alam at siya ang napagtripan nito.
"Napraning lang iyong mister, ganoon talaga kapag nagsa-shabu, tamang hinala, akala parati na lang nangangaliwa ang kanyang misis o may nagsasalita sa likod nila, iyong iba naman, akala may sumusunod na killer, iba-iba", ayon kay Eugenio.
Nahaharap na ngayon sa kasong attempted parricide ang suspek na hindi patatawarin ng kanyang misis. (Ulat ni Danilo Garcia)