Namatay noon din sanhi ng tama sa ulo buhat sa kalibre 9mm si Ismael Salayan, 28, binata, samantala ginagamot sa San Juan de Dios Hospital ang kasama nitong si Allan Kasigan, 23, binata. Ang mga biktima ay kapwa guwardiya sa Watchman Alfonso Canteller-Della Security Agency at nakatalaga sa pag-aari ng Philippine Estate Authority (PEA) na matatagpuan sa Roxas blvd.
Tumakas naman ang apat na lalaki na hinihinalang mga Muslim.
Ayon kay C/Insp. Alfredo Valdez, dakong alas-4:10 kamakalawa ng hapon sa construction site ng bagong overpass sa harapan ng Max Restaurant, Roxas Blvd., Baclaran ay papauwi na ang mga biktima ng biglang salakayin ng apat na suspek at pagbabarilin at nagsitakas ng bumulagta na ang dalawa.
Nabatid pa kay Valdez na ang krimen ay may kaugnayan sa isinagawang demolisyon sa mga squatter na nakatira sa lupain ng PEA.
Ang mga biktima ay kapwa guwardiya sa nabanggit na lugar at madalas maka-enkuwentro ng mga residente at kamakailan lamang ay isang grupo ng mga Muslim ang nakaaway nina Salayan at Kasigan.
Nabatid na inabangan ang mga biktima upang gantihan.
Isang follow-up operation na ang isinagawa ng pulisya laban sa mga suspek na kinilala na pero pansamantalang hindi binanggit ang mga pangalan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)