Nabatid na maging ang mga lugar na ipinagbabawal ang pagdidikit ng posters ay dinidikitan din at hindi nakaligtas sa mga "sipsip" na alalay ng mga kandidato dahilan upang dumumi ang mga pader at poste, partikular na iyong mga kapipintura lamang katulad ng Metro Rail Transit stations na nababoy matapos na magkapatung-patong dito ang posters ng mga kandidato.
Pinagbabaklas ng mga tauhan ng Solid Waste Management sa Makati City Hall ang mga posters ng tumatakbong alkalde, bise-alkalde, konsehal, senador at congressman sa lungsod ng Makati.
Nauna rito ay marami na ring nadakip sa mga nagsisipagdikit ng posters dahil sa kabiguang mabigyan ang mga ito ng tamang instruksyon kaugnay sa kanilang ginagawa.
Nanawagan si Makati Mayor Dra. Elenita Binay sa mga kumakandidato sa naturang lungsod na i-seminar at bigyan ng mga tamang direktiba ang kani-kanilang tauhan upang tumupad sa batas sa pagdidikit ng kanilang mga posters nang hindi masayang at mauwi sa wala ang milyong pisong kanilang ginastos sa pagpapaimprenta ng mga ito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)