Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakasamsam ng mga pekeng drivers license, security guard license, SSS ID cards, gun license permits gayundin ng mga police at military IDs.
Kinilala ang mga naarestong sina Alfredo Zarco, 50, security guard na itinuturong lider ng grupo at mga tauhang sina Rowena Zarco, 26, live-in partner ni Alfredo at Tyrone dela Cruz, 28, computer operator.
Ang mga ito ay nalambat sa aktong nag-iimprenta ng mga pekeng IDs para sa mga security guards at professional drivers licenses.
Nang dakpin ng mga ahente ng PNP-CIDG ay nagtangka pang magpalusot ang isa sa mga suspek na nagpakilalang isang sarhento ng Armed Forces of the Phil.-Civil Relations Service (AFP-CRS).
Nasamsam rin sa mga ito ang mga pekeng lisensiya na ginaya ang iniisyu ng Land Transportation Office (LTO) at Professional Regulations Commission (PRC).
Gayundin, ang may 48 pekeng SSS IDs, security guard license at computer equipments na ginagamit sa pag-iimprenta ng mga pekeng dokumento.
Nakuha kay Zarco ang mga pekeng dokumento ng armas kabilang na ang gunban exemption certificate mula sa Commission on Elections (COMELEC).
Samantala, pinaiimbestigahan naman ni Brig. Gen. Jaime Canatoy, Chief ng AFP-CRS ang nasabing insidente, dahil nagpakilala ang isa sa mga suspek na isang sarhento ng kanilang tanggapan na nagpakita pa ng isang pekeng AFP-CRS identification card. (Ulat ni Joy Cantos)