Kinilala ang biktimang si Francisco Domingo, Jr., pensyonado, ng #26 M. dela Fuente st., Sampaloc, Maynila.
Sa isinagawang pagsisiyasat ni Det. Edd Kho, may hawak ng kaso, dakong alas-6:45 ng umaga kahapon ng matuklasan ang bangkay ng matandang lalaki na nakaluhod at nakalugmok sa kama nito sa kanyang kuwarto sa unang palapag ng kanyang antigong bahay.
Ayon sa pamangkin ng biktima na nakilalang si Gloria, 31, na nakatira may ilang metro lamang ang layo sa kanyang tiyuhin, napansin nito na bukas ang ilaw sa kuwarto ng matandang biktima sa ikalawang palapag ng bahay na labis nitong ipinagtaka.
Hindi umano ugali ng biktima na magsindi ng ilaw habang nagpapahinga kaya minabuti ni Gloria na tawagan ang kapatid ng biktima na si Rodolfo, 66, upang tingnan ang matanda na nasa kalapit kuwarto lamang.
Nang umakyat si Rodolfo upang sarhan ang ilaw, tumambad sa kanyang paningin ang duguang biktima.
Sinabi naman ni Shirley Soliva, kapitbahay ng biktima na napansin niya ang dalawang kalalakihan na aali-aligid sa may gate ng bahay ng matanda bago natuklasan ang krimen.
Hinihinalang pagnanakaw ang motibo sa brutal na pamamaslang matapos na mawala ang ilang kagamitan, pera at mga antigong alahas na nakatago sa cabinet ng matanda.
Nabatid na tanging si Rodolfo na kadarating lamang mula sa Amerika ang kasama ng biktima sa naturang bahay nang maganap ang insidente. (Ulat ni Ellen Fernando)