Katakut-takot na kahihiyan ang inabot ng biktimang si Leah Cayetano, empleyada ng Asian Spirit at residente ng Juan Luna st., Tondo pero nabalewala ito makaraang madakip ang mga responsable sa kanyang sinapit.
Kinilala ang mga nadakip na holdaper na sina Eduardo Lacanlale, 21; Barry Arbolado, 23; Michael Bacani, 22, at Alberto Gonzales, 33, pawang walang trabaho at taga-Lico st., Tondo.
Sa report ng pulisya, dakong alas-12:05 ng madaling-araw ay sakay ang biktima sa isang pampasaherong jeep at bumabagtas sa kanto ng Hermosa at Jose Abad Santos sts.
Lingid sa kanyang kaalaman, ang inakala niyang apat na lalaki na kasakay niya ay kapwa niya pasahero, pero huli na para malaman niya ito ng magdeklara ng holdap ang mga suspek.
Tinutukan ng patalim ng isa sa mga holdaper ang biktima habang ang mga kasamahan nito ay sapilitang kinuha ang kanyang bag na naglalaman ng cellphone at perang P2,500.
Para hindi makasunod ang dalaga at makahingi ng tulong, hinubaran ng blouse ang dalaga saka tumakas ang mga suspek.
Sa kabila nito ay bumaba ang biktima at hinabol ang mga holdaper at nagsisigaw para makahingi ng tulong.
Dito siya naispatan ng mga nagpapatrulyang tanod at ipinaalam ang ginawa sa kanya.
Tinugis ng mga tanod ang mga holdaper at lahat silay nasukol. (Ulat ni Ellen Fernando)