Libong Airport employees mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng Terminal I

Nanganganib umanong mawalan ng trabaho ang mahigit 1,000 manggagawa ng Manila International Airport Authority (MIAA) kapag tuluyan nang gumana ang Terminal III at isara ang Terminal I ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay MIAA General Manager Edgardo Manda, matinding problema ang kinakaharap nila sa pagbubukas ng Terminal III sa taong 2003 dahil 400 empleyado lamang ang kakailanganin nila sa operasyon nito dahil sa high-tech facilities nito habang wala pang tiyak na plano kung ano ang gagawin sa Terminal I kung magiging operational na ang Terminal III.

Napag-alaman kay Manda na umaabot na sa 1,500 ang mga kawani ng MIAA sa dalawang airport terminal na pawang kasapi ng Samahan ng Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP) pero humigit kumulang sa 250 ang regular employees at mga casual na ang iba.

Inamin ni Manda na may mga nag-apply na ng early retirement pero ang pambayad sa kanila ang problema dahil hindi umano sapat ang pondo ng Provident Fund ng mga empleyado.

Para matugunan ang hinaharap na problema, balak ni Manda na magtayo ng isang Airport Management Institute para sa upgrading ng mga empleyado ng NAIA para sa kanilang career advancement.

"Hanggat maari ay ayaw nating magtanggal ng empleyado kaya naisip kong magtayo ng isang Airport Institute para maipagpatuloy ng mga empleyado ang kanilang pag-aaral," sabi ni Manda.

Maaari na lamang umanong gawing casino, Hotel/casino, commercial center at isang cargo facility hub ang Terminal I sakaling tuluyan itong isara. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments