Kinilala ni WPD-Homicide C/Insp. Johnny Taluban ang namatay na si Rodrigo Boquirin, binata, ng Lydia st., Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Detective Dave Tuazon, dakong alas-5:30 ng madaling araw nang isugod ang biktima sa PGH ng kanyang amang si Leonardo Boquirin, 47, dahil sa matinding pananakit ng ngipin at pagdurugo matapos itong mabunutan.
Ayon sa ama, makaraang magpabunot ang anak ay nagkita pa sila sa pinapasukan nitong Cherry supermarket sa #561 Padre Faura st., Ermita bandang alas-7 ng gabi kamakalawa at napansin nito ang manggas ng damit na suot ng anak na may bahid pa ng dugo at tinanong niya kung saan galing at sinagot niya na nagpabunot siya ng kanyang dalawang ngipin sa harapan.
Idinagdag ng ama na wala naman siyang nakitang diperensiya o pananamlay ng kanyang anak nang silay magkita at nagulat na lamang siya ng biglang namatay ito kinagabihan.
Nakatakda namang puntahan ng pulisya ang sinasabing klinika para imbitahan ang dentista at makapagbigay ng kanyang panig sa pagkamatay ng binata.
Samantala isinasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para mabatid ang dahilan ng pagkamatay nito. (Ulat ni Ellen Fernando)