Isinalin ni dating LTO Chief Benjamin Calima ang tungkulin kay Abenina sa harap ng matataas na opisyal ng LTO at ng Department of Transportations and Communications (DOTC).
Ang pagsuspinde sa drug test requirement sa lahat ng mga professional drivers license applicant ang isa sa priority ni Abenina. Gusto umano ng DOTC na mapag-aralan muna ang kahalagahan ng drug test sa pagkuha ng professional drivers license at kung sapat ang mga laboratory centers nationwide para maipatupad ito.
Sinasabing ang mabilis na pagsipa kay Calima sa LTO ay sanhi ng walang kaabog-abog na implementasyon ng drug test sa ahensiya na hindi man lamang nalaman ni Alvarez.
Gayunman, nabatid kay Eleanor Madrid, hepe ng licensing office ng LTO main office, tuloy pa rin ang pagpapatupad nila ng drug test bilang requirement sa lahat ng professional license applicant dahil wala naman silang natatanggap na utos mula kay Abenina at sa DOTC.
Nabatid na ang pagkayamot ng transport groups at ang kakulangan ng mga accredited drug testing laboratories ang mga dahilan kung bakit nais ni Alvarez na ihinto muna ang implementasyon ng drug test. (Ulat ni Angie dela Cruz)