Ayon kay DOTC Secretary Pantaleon Alvarez, nanganganib na tumaas ang kasalukuyang P9-P15 pasahe ng Metrostar Express ng may 13 porsyento o higit pa dahil sa patuloy na masamang takbo ng ekonomiya at palitan ng piso at dolyar.
Sa isang panayam, inamin ni Alvarez na kasalukuyang nirerebisa nila ang kontrata sa pagitan ng pamahalaan at ng MRTC dahil malaki anya ang magiging epekto nito sa taumbayan.
Noong September 25, 2000, inihayag ng DOTC na bagsak ng P9.5 milyon sa target nitong P12-milyon sa kabila na rin ng pagtaas ng mga revenue at pagdami ng mga pasahero.
Nangangahulugang nagbibigay ang pamahalaa ng P2.3 bilyon sa P3.2 bilyon na annual amortization ng DOTC sa Metro Rail Transit Corporation.
Nabatid na nakatakda nang magtaas ng pasahe nitong nakaraang Enero mula nang ibaba sa mas mababang kasalukuyang discounted ang pasahe upang makabawi ang MRT sa kanilang pagkalugi.
Ngunit dahil sa naganap na pagbagsak ng Estrada administration at pagpalit ng bagong mga mukha sa ilalim ng Arroyo administration ay kinakailangang makilala na muna ng magkabilang kampo kung sinu-sino ang magiging kausap ng mga ito.
Kung magkakaroon umano ng anumang pagtataas, siniguro naman nito na isang rasonableng paraan at presyo ang kanilang ipatutupad upang hindi lubusang mahirapan ang publikong sumasakay dito. (Ulat ni Danilo Garcia)