Kasong theft ang isinampa sa Caloocan Prosecutor Office laban sa mga suspek na sina Luisa Escano,26; Chinate Velasco, 30, at Maria Jimenez, 34, pawang residente ng Quezon City. Inirekomenda ang piyansang P190,000 sa mga suspek para sa pansamantala nilang kalayaan.
Samantala, dalawa pang kasama nilang babae ang hinahanting ngayon ng pulisya na nagsilbing lookout sa insidente na kinilalang sina Rowena Bustillo, 31, ng Montenegro st., San Francisco del Monte, QC at Ana Teresa Magat, 20, ng #23 Champaca st., Roxas District. Nakatakas ang mga ito habang hinuhuli ang tatlo.
Ayon kay SPO2 Vivencio Gamboa, naaresto ang tatlo dakong ala-una ng hapon habang tinatangkang bumili ng tatlong pares ng hikaw at isang gold bracelet na nagkakahalaga ng P12,000 gamit ang isang BPI Express credit card sa City Gold Jewelry sa Grand Central sa Monumento.
Pero, nakahalata ang store cashier na si Philip Co kaya bineripika nito ang credit card at nadiskubre niyang nakaw at ang tunay na may-ari ay isang Anna Nunar. Agad nitong inalerto ang mga pulis na mabilis namang nagdatingan.
Inamin naman ng mga suspek na sina Bustillo at Magat ay nasa labas ng nasabing tindahan at nagsilbing lookout. (Ulat ni Matthew Estabillo)