T-bird na nag-tong-its sa lamayan, napatay

Isang 25-anyos na tomboy na nakikipag-tong-its sa lamayan ang siya ngayong paglalamayan matapos itong mapatay sa saksak ng kanyang kalaro, kahapon ng madaling-araw sa Malabon.

Hindi na umabot ng buhay sa Pagamutang Bayan ng Malabon sanhi ng saksak sa dibdib si Veronica Lacson, alyas Bernie, ng Mallari st., San Agustin, nasabing bayan.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na nakilalang si Marcelo Babansang, 25, vendor, at nakatira sa Paradise Village, Bgy. Tonsuya ng nabanggit na bayan.

Base sa ulat ni PO2 Christopher Rodriguez, may hawak ng kaso, dakong ala-1:35 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa isang lamayan sa Paradise Village.

Kasalukuyang nagto-tong-its ang biktima at suspek at isa pang kapitbahay nang bigla na lamang nagalit ang biktima nang madiskubreng dinadaya siya ng suspek.

Sa kainitan ng pagtatalo ay bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments