Popoy Lagman patay sa ambush

Inambush at napatay ng apat na kalalakihan na umano’y mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang labor leader na si Felimon "Popoy" Lagman sa loob ng UP Diliman compound.

Binawian ng buhay si Lagman sa Heart Center habang ito ay nilalapatan ng lunas dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.

Nabatid kay Col. Eduardo Bentain, UP Police Chief, sa apat na suspek, isa lamang sa mga ito ang may dalang 45 caliber pistol na siyang ginamit sa pagbaril kay Lagman ng dalawang beses na tumama sa ulo ng huli.

Pinaniniwalaan ni Bentain na mga rebeldeng NPA ang bumaril kay Laman dahilan na rin sa hitsura ng mga suspek.

Si Lagman ay nasa Bahay Alumni sa UP Diliman dahil sa pakikipagpulong sa mga miyembro at opisyal ng Buklurang Manggagawang Pilipino.

Lumabas umano sandali si Lagman, 49, mula sa Bahay Alumni subalit ilang segundo lamang ay binaril na ito.

Nagsitakbuhan ang mga ka-grupo ni Lagman sa kinaroroonan nito at ng kanilang makita ang kanilang lider ay naliligo na sa sariling dugo.

Sinabi rin ni Bentain, isang saksi sa insidente na si Dr. Edward Padilla, ng Philippine General Hospital ang nagsabing apat na lalaki ang suspek sa krimen.

"Sabi sa akin ni Padilla, na noon ay nagdya-jogging sa track and field ng UP ay patayo pa lamang siya sa kanyang Toyota car na may plakang WJT-329 ay tinutukan na siya ng baril ng mga suspek na balingkinitan ang pangangatawan at saka kinumander ang kanyang sasakyan patakas," ani Bentain sa panayam ng PSN.

Nabatid din kay Bentain na iniwan din ng mga suspek ang sasakyan ni Padilla sa may Pook Palaris malapit sa boundary ng Old Balara at saka nagtawid sa bakod pataas ng UP compound matapos ang insidente.

Si Lagman, ayon sa militar, ay dating lider umano ng Alex Boncayao Brigade na kumalas sa NPA dahil sa hidwaang ideolohikal sa pamunuan ng Communist Party of the Philippines. (Ulat nina Angie Dela Cruz, Lordeth Bonilla, Malou Rongalerios, at Rudy Andal)

Show comments