Trike driver nangitgit ng tsinoy, tinodas

Dahil sa gitgitan sa sasakyan, isang tricycle driver ang binaril at napatay ng isang Fil-Chinese, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Manila.

Namatay habang isinusugod sa pagamutan ang biktimang si Jonald dela Cruz, 18, ng #681 Old Antipolo st., Sta. Cruz, Manila.

Agad namang nadakip ang suspek na si Lawrence Lim Ching, 24, ng 1689 Sampaguita st. ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni WPD Homicide Section Chief Insp. Johnny Taluban, ganap na alas-12:05 ng madaling-araw ng magsimula ang alitan ng dalawa kung saan nagsalubong ang kotse ng suspek na isang Toyota Seddan na may plakang (NFX-505) at tricycle ng biktima sa kalsada ng Jose Abad Santos at Solis st., sa Tondo.

Dahil sa nagkaroon ng problema sa trapiko, napilitang bumaba ng kanyang kotse ang asar na suspek at kinompronta ang biktima.

Dito na nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa inis na kinuha ng suspek ang kanyang baril at pinaputukan ng isang beses ang biktima sa gawing dibdib kung saan ang bala ay tumagos sa kanyang puso na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.

Nang rumesponde ang pulisya at maaresto ang suspek ay wala na dito ang baril subalit nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang isang bala ng 9mm na hinihinalang ginamit sa pamamaril. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments