Ayaw makipagbalikan, pamangkin ng ka-live-in dinukot, nabawi

Nabawi ng magkasanib na puwersa ng Pasay City at Laguna police ang 11-anyos na batang lalaki na dinukot ng live-in partner ng kanyang tiyahin sa isang follow-up operation sa Laguna, kahapon ng umaga.

Matagumpay na narekober ang biktimang si John Borja, ng #668 residente ng Bautista st., Bgy. 139, Pasay City mula sa kamay ng suspek na si Sancho Cobe ng Aplaya, Calamba, Laguna.

Sa pahayag ni Danny Borja, 31, ama ng biktima, kay SPO4 Mila Carrasco, ng Women’s Desk and Children’s Section ng Pasay police, noong Enero 30 taong kasalukuyan dakong alas-5:30 ng hapon ay nagpunta sa kanilang bahay ang isang kaanak ni Cobe at hinahanap nito ang kanyang live-in partner na nakilala sa pangalang Racquel Baclaan, 28, para umano kausapin na sila’y magbalikan.

Ayaw na umanong makipagbalikan ni Baclaan kay Cobe matapos silang maghiwalay at ng mabalitaan ito ng suspek ay nagalit at bumalik sa bahay ni Borja. Nagkataon namang naglalaro ang biktimang si John at ito ang pinagbalingan ng suspek at kanyang tinangay.

Dinala ang bata sa Laguna at ilang araw na ikinulong. Agad na inireport sa pulisya ni Borja ang pagkawala ng anak at sa follow-up operations ay na-rescue ang bata.

Kasong kidnaping ang kakaharapin ni Cobe na nakakulong sa Pasay police detention cell. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments