Nakakulong sa Eastern Police District-Criminal Investigation Group ang suspek na si Rebecca Pelaez, 32, taga-#103 Banahaw st., San Jose, Sta. Rosa, Laguna.
Kinilala naman ng pulisya ang ilan sa mga nagreklamong biktimang sina Cynthia Abergas, ng Mandaluyong City; Roseshearon Villarba, 22, ng San Juan; at Marilou Tacorda, 40, ng Antipolo City na pawang mga empleyado ng Fil-Estate Sales Inc. na matatagpuan sa 5th at 20th floors ng Renaissance Tower, Ortigas Center.
Nabatid na nagkunwaring aplikante sa posisyong real estate agent sa naturang kumpanya ang suspek. Ang modus operandi ni Pelaez ay nabuko dakongl alas-12 ng tanghali kamakalawa nang matuklasan ni Aberga na ang kanyang kakalapag na cellphone sa mesa ay nawawala. Agad nitong pinagsuspetsahan ang suspek na noon ay kakaraan lamang sa harapan nito.
Sa pamamagitan ng tactical interrogation ng mga guwardiya ay napaamin ang suspek at sinabi nitong isiniksik niya sa "matress" ng sofa ang Nokia 3210 cell ni Aberga habang natagpuan naman ang 5110 cell ni Villarba sa bag ng suspek.
Dahil dito, siya na rin ang pinagbuntunan ng reklamo ng iba pang mga biktima sa pagkawala ng kanilang cellphone na itinanggi naman ng suspek.
Sinabi naman ni Pelaez na dalawang araw pa lamang siyang nagtutungo sa naturang gusali kaya mali umanong iparatang sa kanya ang naunang pagkawala ng pitong cell ng mga empleyado ng Fil-Estate. Natagpuan naman sa kanya ng pulisya ang ilang papel de agencia ng ibat ibang sanglaan na hinihinalang doon niya ito isinangla upang maging pera at gamitin sa kanyang ikaapat na panganganak. (Ulat ni Danilo Garcia)