Mga basura itatapon sa harap ng QC Hall kung di isasara ang Payatas

Nagbanta kahapon ang grupong Kadamay na itatapon nila sa harap ng Quezon City Hall ang mga basurang makukolekta sa lungsod sakaling hindi pa tuluyang ipasara ng QC gov’t ang Payatas dumpsite.

Ito ang inihayag kahapon ng mga residente ng Payatas at miyembro ng Kadamay ng magsagawa ng kilos-protesta sa harap ng QC Hall kahapon ng umaga.

Binatikos ng grupo si QC Mayor Mel Mathay Jr. dahil sa pagpayag nito na mabuksan ulit ang dumpsite gayong maraming bilang na ng tao ang namatay sa nagdaang Payatas tragedy.

"Ngayong Enero, may nangyari na namang aksidente sa dumpsite at isang lalaki ang namatay. Hihintayin pa ba nilang dumami pa ang bilang ng mga taong mamamatay bago sila kumilos?" pahayag ni Delia Badion, pangulo ng Jul. 10 Payatas Victims Organization.

Nanawagan din ang Kadamay sa mga taga-QC na huwag iboto ang mga taong nasa likod ng pagbubukas ng Payatas dumpsite sa nalalapit na halalan sa Mayo. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments