Nabatid ito sa isang impormante sa San Juan Municipal Hall matapos na tangkaing kontakin ng mga mamamahayag si Mayor Jinggoy Estrada sa dati niyang numero ng cellphone ngunit hindi makakonekta.
Ayon sa impormante, bukod kay Jinggoy, nagpalit na rin ng numero si dating Pangulong Joseph Estrada at Dra. Loi Ejercito.
Idinagdg pa na nararapat lang na magpalit na ang mga ito ng numero hindi upang umiwas sa mga mamamahayag kundi para tuluyan nang mapayapa ang kanilang kalooban.
Hindi umano nakakatulong ang naturang mga "hate messages" sa pamilya upang makaahon sila sa trahedyang dumating ng mapatalsik ang nakakatandang Estrada sa pagiging Presidente ng bansa.
"Alam mo iyong mga text messages na iyan, iyong minumura o di kaya nagbabanta ay hindi nakakatulong dahil imbes na matulungan sila dahil sa nangyari sa kanila ay lalo pa silang dinidikdik," ayon sa impormante.
Mas nais na lamang umano ng pamilyang Estrada na kahit konti ay magkaroon ng katahimikan ang kanilang buhay at hindi na madagdagan pa ang kanilang pasakit. (Ulat ni Danilo Garcia)