Sa report na natanggap ni PNP C/Supt. Marcelo Ele Jr., director ng PNP Aviation Security Group, ang power failure ay naganap dakong alas-10:40 ng umaga kahapon na sinasabing faulty wiring sa manhole ng VIP parking sa Centennial Terminal 2.
Gayunman, nilinaw ng Airport officials na hindi ito sabotage at ang pagsabog ay sanhi umano ng pagkislap mula sa electrical cable na nagpaningas dito.
Nagsara ang central airconditiong system, baggage conveyors at mga computers na nagparalisa sa mga serbisyo at nagdulot ng pagkabalam sa daang plane passengers.
Ang mga pasahero na dumating mula sa tatlong international flights ay pinadaan sa portable chairs at hindi sa air bridges.
Ayon kay Elpidio Mendoza, assistant general manager, hindi ito sanhi ng bomba at ang pangyayari ay isang aksidente.
Isang imbestigasyon na ang isinasagawa para matukoy ang nasabing pagsabog na sumira sa cable na nakalagay sa underground electrical facility. (Ulat ni Butch Quejada)