Mister nabuking na bading, ginulpi si misis

Isang ginang sa Parañaque City ang nagharap ng reklamo sa pulisya dahil sa panggugulpi ng kanyang mister matapos niyang mabuko ang huli na nanlalalaki at ang masaklap ay madiskubre na isa pala itong bakla.

Kinilala ang nagreklamong misis na si Marilyn Valerio, 30, ng #111 Carnation st., Vitalez compound, Bgy. San Isidro, Parañaque.

Pinaghahanap naman ang suspek na mister na nakilalang si Gilbert Valerio, 32, mensahero sa Meralco.

Sa salaysay ni misis sa Parañaque police, kamakalawa ng gabi ay sinita niya ang kanyang mister dahil sa ilang araw nitong pag-absent sa trabaho na ipinagkibit-balikat lamang ng lalaki.

Kinabukasan ay nagpaalam sa kanya ang asawa na papasok na sa trabaho, pero lingid dito ay nagtungo ang ginang dakong alas-12 ng tanghali kasama ang anak sa bahay ng isang kaibigang bakla sa Ilaya st., Bgy. Sto. Niño nasabing lungsod at dito ay aksidente nilang nakita ang kanyang mister na may kasama at kaakbay na maskuladong lalaki.

Sinita niya ang asawa, pero ikinatwiran ng suspek na napadaan lamang siya doon para kunin ang telephone number ng isa niyang kaibigan.

Ayon sa ginang, marami na siyang naririnig na tsismis hinggil sa umano’y panlalalaki ng kanyang asawa, pero hindi siya naniniwala hanggat wala siyang pruwebang nakikita dahil ayaw niyang masira ang kanilang pagsasama alang-alang sa mga anak nila.

Pero ika nga ay iba kapag kinutuban ang babae. Kinagabihan pag-uwi ni mister ay kinompronta niya ito at sa halip magpaliwanag ang lalaki ay pinagkakalmot at sinabunutan ang ginang.

Napag-alaman sa ginang na siyam na taon na palang nobyo ng suspek ang lalaking nakita nitong kaakbay ng asawa. Ang naturang maskuladong lalaki ay bagong laya sa kasong droga. Bukod dito ay nalaman din ng ginang na marami pang lalaki ang kanyang asawa.

Matapos malamang nagsumbong si misis ay nagtago na ang lalaki at pinaghahanap na ng mga pulis. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments