Hindi muna tinukoy ang pangalan ng limang pasahero na pinigil nang tangkain ng mga itong sumakay sa Asiana Airlines patungong Seoul, Korea dahil sa pekeng pasaporte na may tatak na Korean visas.
Sa komprontasyon ay ikinanta ng mga biktima ang suspek na nagngangalang Joel Uy, ng Binondo.
Ayon sa mga biktima, si Uy ay ipinakilala ng isang Koreano na nasa bansa para mag-ayos ng kanilang travel documents. Nakasaad sa kasunduan na pagdating nila sa Seoul International Airport ay sasalubungin ang mga ito ng isang Koreano na nakilala lamang sa pangalang Kim Hwan Soo kapalit ang $1,000 bilang escort fee.
Napag-alaman sa records ng BI na marami nang Pinoy ang naging biktima ng Korean syndicate na kadalasan pagsapit ng mga ito sa Korea ay pinipigil at ang ilan ay humahantong sa kulungan dahil sa mga pekeng dokumento.
Pormal nang naghain ng reklamo ang limang Pinoy workers laban kay Uy matapos silang balaan na kapag hindi sila magrereklamo ay ang mga ito ang ipaghaharap ng kasong falsification of public documents at paglabag sa Passport Law. (Ulat ni Butch Quejada)