Jeep vs van: 1 patay, 3 grabe

Nasawi ang isang 40-anyos na lalaki habang ang tatlong kasama nito, kabilang ang isang pulis ay nasa kritikal na kalagayan matapos ang kanilang owner-type jeep ay bumangga sa isang L-300 van kahapon ng madaling araw sa kanto ng EDSA-Roxas Blvd., Pasay City.

Namatay habang dinadala sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Edgardo Hachero, may-asawa, tubong Balusuan, Dao, Capiz.

Samantala nasa kritikal na kondisyon naman sina Jojo Arsenio, 37, may-asawa, Sulpicio Flores, 36, at PO3 Joel Borda, 37, miyembro ng Caloocan PNP.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas- 2:30 ng madaling-araw ay binabagtas ng mga biktima sakay ng owner-type jeep, may plakang DJK-590 ang kahabaan ng Roxas Blvd. pa-Maynila.

Nag-overtake ang owner jeep na minamaneho ni Hachero na siyang dahilan kaya ito ay nawalan ng kontrol at bumangga sa L-300 van na minamaneho ng isang Alfred Maximillan.

Pagkabangga sa L-300 van ay bumaligtad pa ito na siyang ikinaipit ng mga biktima at ikinamatay ni Hachero. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments