^

Metro

Pro-Erap nilusob ng anti sa Mendiola

-
Naging madugo ang paglusob ng mga anti-Erap groups sa Mendiola bridge kahapon ng umaga ng buwagin ng mga ito ang hanay ng libu-libong tagasuporta ng pinatalsik na Pangulong Estrada at magkaroon ng pagsabog ng pillbox at batuhan na ikinasugat ng ilang ralista.

Bandang alas-6:30 ng umaga ng dumating ang advance party ng tinatayang 50,000 militanteng grupo na kasapi ng BAYAN, Gabriela, Akbayan at mga estudyante sa kanto ng C.M. Recto at Mendiola, kalahating oras makaraang balewalain ni Estrada ang deadline na umalis sa puwesto.

Naghihintay naman sa kanilang pagdating ang mga pro-Erap protesters na armado ng mga tubo, bato at dos-por-dos.

Matapos ang may 10 kilometrong pagma-martsa mula sa EDSA shrine patungong Malacañang Palace ay hinarang ng anti-riot policemen ang mga anti-Erap, dalawang bloke na lamang ang layo mula sa Palasyo, at bantaang dadanak ng dugo kung tatangkain nilang pumasok sa Malakanyang.

Dahil nahirapang kontrolin ng may 1,000 pulis mula sa Western Police District ang mga ralista ay napilitang harangin ng mga awtoridad ang pagdagsa ng mga anti-Erap hanggang sa magkabatuhan at may biglang sumabog na pillbox.

Dalawang kasapi ng pro-Erap na nakilalang sina Melvin Pingol, 32, ng Tondo, Maynila at Richard Martinez, 26, ng Tiaong, Quezon ang dinakip matapos matukoy na ito ang nagpasabog ng pillbox. Ang dalawa ay kasalukuyang sinisiyasat.

Samantala ilan sa mga nasaktang ralista ang agad inilayo at dinala sa pagamutan.

Ganap na alas-11 ng umaga ng tangkain nang pasukin ng nanggagalaiting anti-Erap groups ang Gate 7 ng Malakanyang at piliting alisin ang barbed wire at nakaharang na mga bakal na bakod, pero nabigo matapos pigilan ng mga kagawad ng Presidential Security Group.

Matapos makapanumpa si Vice President Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong Pangulo ng bansa ay nag-alisan na ang mga nagpoprotesta, pero may ilang anti-Erap ang nanatili sa Mendiola at naghintay sa pag-alis ni Pangulong Estrada at pamilya nito sa Palasyo.
Dakong alas-3 ng hapon nang tuluyang magsialis ang mga anti-Erap at bumalik sa normal ang trapiko sa bahagi ng Mendiola. (Ulat ni Ellen Fernando)

ANTI

ELLEN FERNANDO

ERAP

MALAKANYANG

MATAPOS

MENDIOLA

PANGULONG ESTRADA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with