Kasalukuyang nakakulong sa WPD-Station 3 ang suspek na kinilalng si Elvis Aporto alyas William Turingan, 38, walang trabaho at residente ng 1502 Tindallo st., Tondo. Siya ay nadakip bandang alas-4:30 ng madaling-araw habang nakatayo at armado ng shotgun sa Tindalo st. at naghihintay ng mabibiktima.
Ayon kay P/Insp. Norberto Esquibal, team leader ng WPD Anti-Crime, si Aporto ang pangunahing suspek sa pagpatay sa biktimang si Roberto Carabeo ng Samal, Bataan at isa pang lalaki sa bahagi ng C.M. Recto Ave. nitong nakaraang Dis. 21, 2000 bandang alas-11 ng gabi.
Pinagbabaril ni Aporto si Carabeo sa ibat ibang bahagi ng katawan matapos pumasok sa Honeymoon Lodge Motel sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila ang nasabing biktima. Sa pag-aakalang pulis ito at siya ang pakay upang arestuhin ay pinaputukan niya ito.
Sinunod naman nitong patayin ang isang Dolphy Jamuad, 34, ng Quirino Highway, Novaliches, Quezon City.
Si Jamuad ay nakatayo lamang sa harapan ng Tandem theater sa C.M. Recto nang barilin umano ng suspek ng .45 kalibreng pistol sa dibdib sa di malamang dahilan. Idineklarang dead-on-arrival sa Mary Chiles Hospital ang biktima. (Ulat ni Ellen Fernando)