Ayon kay Atty. Ruben Carranza, dating undersecretary for Plans and Program ng DND na magsasampa siya ng reklamo laban kay Santiago matapos siyang tutukan nito ng baril dahilan lamang sa konting pagtatalo sa pagpapaalis ng mga nagpoprotesta sa harapan ng kanilang tahanan sa 29 Maalindog st., UP Village, Quezon City dakong alas-11:45 ng gabi noong Martes.
Sinabi ni Carranza na nakita niya si Santiago na nakasuot ng sando na may nakasukbit na baril sa baywang habang ineeskortan ng mga armadong bodyguard nito na nakikipagtalo sa isang Jose Logarta, isa sa mga nagpoprotesta sa pagpabor ng Senadora na huwag buksan ang ikalawang envelope ng Jose Velarde account.
Isinalaysay ni Carranza na si Logarta kasama siya at iba pang mga kapitbahay ng mga Santiago ay nagtungo sa harapan ng tahanan ng mag-asawa at binusinahan ang mga ito bilang protesta sa aniyay hindi magandang kinalabasan ng botohan sa Senado.
"Nakita ko silang nagtatalo, lumapit ako para umawat at pagsabihan si Logarta na huwag nang makipagtalo kay Santiago," ani Carranza na nagbitiw sa tungkulin nitong Disyembre bilang Undersecretary ng Defense Department.
Subalit paglapit umano niya ay lalong nagalit si Santiago at pinagsabihan umano siya ng "Tarantado ka ha", sabay tutok ng baril.
Sa pangambang totohanin ito ni Santiago ay nagpakilala si Carranza bilang dating opisyal ng pamahalaan subalit binalewala ito ni Santiago na nagsabi pa umanong wala siyang pakialam.
Dakong ala-una ng madaling-araw nang dumating ang tinatayang 20 anti-riot policemen sa pangunguna ni Central Police District Director Chief Supt. Victor Luga at pinaalis ang mga nagpoprotesta sa harapan ng tahanan ng mga Santiago.
Nabatid na si Usec. Santiago ay may pitong bodyguards mula sa Scout Rangers ng Phil. Army, samantala, wala rin umanong permit sa Commission on Elections para ma-exempt sa gun ban ang dala nitong baril.
Sinubukan namang kunan ng kanyang panig si Santiago subalit sang-ayon sa kanyang sekretarya ay wala ito sa kanyang tanggapan at wala namang iniwang statement kaugnay ng naturang insidente. (Ulat nina Joy Cantos at Rudy Andal)