Nagharap kahapon ng reklamo sa Womens Desk ng Manila City Hall-Special Operations Group si Ulpiana Landicho, empleyado ng Intl. Ying Ming Industrial Co. at residente ng 29 Valencia Pumping Station, Sta. Mesa, Manila laban kay Julieto Landicho, 11 taon nitong ka-live-in.
Base sa salaysay ni Ulpiana kay SPO2 Fe Daquibal, tinangay umano ng suspek ang kanyang anak na itinago sa pangalang Rosario, 17.
Noong Enero 2 ng kasalukuyang taon, habang pinapagalitan niya ang anak na babae ay sinaway siya ni Julieto at pagkatapos ay naghawak-kamay ang lalaki at si Rosario. Dito naghinala ang ginang at lalong nagalit at sinabing hindi niya papayagan na maging asawa ng ka-live-in ang anak.
Dahil dito, naiyak si Rosario at sinabing hindi niya kayang mahiwalay kay Julieto kaya nakiusap ang lalaki sa ka-live-in na payagan na silang magsama ng dalaga.
Umalis ang dalawa sa kabila ng pagpigil at pagbabanta ni Ulpiana na ididemanda si Julieto.
Simula noon ay hindi na bumalik sa kanilang bahay ang dalawa at hinihinalang dinala ni Julieto ang dalaga sa Mantrade, Makati kung saan ito nagtatrabaho bilang karpintero.
Ayon kay Ulpiana, hindi niya agad nahalata na may gusto ang ka-live-in sa kanyang dalaga dahil inakala niyang pagmamahal-anak lamang ang ipinakikita nito.
Anak ni Ulpiana sa unang asawa si Rosario samantalang may anak naman sila ni Julieto na walong-taong gulang. (Ulat ni Andi Garcia)