Bandang alas-12:55 ng hapon nang isang estudyante ang sumigaw ng "bomba" sa Felipe Calderon High School sa Hermosa, Tondo na ikinasindak at ikinalikha ng pag-panic ng mga estudyante.
Ayon sa pulisya, halos sabay-sabay na nagsipasukan ang mga magulang ng ilang mag-aaral sa naturang paaralan upang kunin ang kanilang anak nang makasagap sila ng impormasyon sa labas ng campus mula sa mga di-kilalang tao na may itinanim na bomba sa nasabing school.
Nag-unahan ang mga magulang na makita ang kani-kanilang mga anak at ang ilan ay nagsisigaw na may bomba sanhi upang mag-panic ang mga nagka-klaseng mag-aaral.
Nang magresponde ang Western Police District-Explosive and Ordnance Division ay agad na ginalugad ang paligid ng Felipe Calderon High School subalit walang nakitang bomba.
Sumunod na dumanas ng bomb scare ay ang Ponce High School sa panulukan ng Tomas Mapua at Antipolo st., Sta. Cruz. Napayapa lamang ang mga estudyante nang rumesponde ang mga operatiba ng Western Police District-Explosive and Ordnance Division.
Nabatid din sa WPD-EOD na isang di-kilalang tatay ang sumugod sa loob ng classroom ng kanyang anak na noon ay kasalukuyang nagka-klase at agad na inilabas kasabay ng paghahayag nito na may bomba umano sa naturang paaralan.
Sinabi ng pulisya na ilang mga pedicab at tricycle driver ang nagsabi sa mga nag-aantabay na magulang sa labas ng school na may bombang itinanim sa Ponce High School na ikinatakot naman ng mga ito maging ang mga batang mag-aaral.
Agad ding nagresponde ang EOD subalit negatibo rin ito sa bomba.
Kasunod dumanas ng sindak ang mga estudyante ng Lakandula High School na nasa Juan Luna st., Tondo na ang mga estudyante, partikular ang mga kababaihan ay mga nangasaktan sa pagtutulakang mag-unahan sa paglabas sa eskuwelahan, partikular ang mga nagmula pa sa ikatlong palapag ng paaralan.
Naniniwala naman ang pulisya na gawa-gawa lamang ito ng mga taong gustong lumikha ng kaguluhan, partikular na sa mga paaralan kasabay ng sunud-sunod na pambobomba at bomb scare sa Kamaynilaan.
Dahil dito, nag-atas si WPD Director Chief Supt. Avelino Razon sa kanyang mga tauhan ng paghihigpit sa seguridad sa lahat ng mga paaralan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral. (Ulat ni Ellen Fernando)