Ayon kay Bukidnon Rep. Miguel Zubiri, kauna-unahan sa kasaysayan ng Kongreso ang nangyaring barilan at dapat magsagawa ng isang masusing imbestigasyon ang Kamara hinggil dito.
Sinabi ni Zubiri na hihilingin niya sa liderato ng Kamara na ipa-drug test, ire-training at isailalim din sa psychological, re-evaluation at gunhandling safety ang mga security personnel nito.
"Dapat tayong makasiguro na karapat-dapat na italagang security personnel itong mga nagbabantay sa House dahil baka bigla na lamang mamaril ang mga yan sa sandaling uminit ang kanilang ulo," wika ni Zubiri.
Magugunita na napatay sina retired Navy Capt. Roselo Ylagan, director ng House Legislative Security Bureau (LSB) at senior LSB officer Gerald Rallos, matapos silang pagbabarilin ng 9mm pistol ng suspek na si Renato dela Cruz, isang LSB security guard.
Ang pagkamatay ng dalawang opisyal ay matapos kuwestiyunin ng suspek ang kanyang schedule dahil hindi umano nito nagustuhan ang pang-gabing duty. (Ulat ni Malou Rongalerios)