Inatasan ni Lim sina PPSC president Ernesto Gimenez at PNPA director Sr. Supt. Dionisio Coloma na ibalik sa academy at italaga bilang upperclassmen sina Cadets Marlon Ageas, Alex Apolinio at Arnold Acosta na unang nagsiwalat ng sinapit nilang hazing noong 1996 mula sa kamay ng mga upperclassmen nito.
Subalit laking gulat ng mga kadete nang makatanggap sila ng memorandum ng sumunod na taon mula sa board na dinidismis sila dahil sa maraming absences sa non-academic training. Umapela sila sa PPSC at PNPA pero dinismis din sila dahil sa pagiging AWOL.
Ang mga upperclassmen naman na umanoy sangkot sa pagsasagawa ng hazing sa 3 kadete ay unang dinismis subalit nakabalik agad sa PNPA at naka-graduate pa.
"Sila ang biktima ng hazing at maltreatment pero sila pa ang sinibak sa akademya kaya malinaw na gross injustice ito kaya dapat lamang silang maibalik sa PNPA at maging upperclassmen upang maka-graduate sila sa 2001," paliwanag pa ni Lim. (Ulat ni Rudy Andal)