Ayon kay Malabon-Navotas Congressman Ricky Sandoval, nagpadala na siya ng sulat sa COMELEC upang pormal na hilingin ang pre-registration sa mga residente na hindi nakapagparehistro bunsod ng kakulangan ng registrar officers.
Bukod pa rito, hindi rin umano napuntahan ng mga tauhan ng COMELEC sa kanilang isinagawang survey ang may 200 residente ng Isla Pulo sa Bgy. Tansa na karamihan ay pawang mga mangingisda ang naninirahan bukod pa rito sa Northbay Boulevard ay mayroong 33,000 na residente na naitala sa survey subalit 22,000 lamang ang narehistro rito.
Dahilan na rin umano sa kakulangan ng enumeration list at mapping list na ipinalabas ng COMELEC kung kayat nagkaroon ng kaguluhan ang mga residente na magpaparehistro.
Humihingi rin umano ang mga registrar official ng identification card sa pagrerehistro subalit dahilan sa karamihan sa mga ito ay mangingisda kayat wala silang maipakitang ID at hindi na muling bumabalik.
Matatandaang nagkaroon ng re-registration ang mga residente ng Navotas para sa darating na eleksyon noong Disyembre 1-27 kabilang na ang dating mga botante sa dahilang nasunog ang dating munisipyo kung saan naabo ang mga papeles. (Ulat ni Gemma Amargo)