Binatikos din ng mga sinibak na pulis ang muling pagkakabalik sa puwesto ni Supt. Rodolfo Concepcion na kabilang sa mga tinanggal bilang hepe ng WPD-Contingency and Disturbance Management (CDM).
Ayon sa mga natanggal na pulis, palakasan umano ang pinaiiral ngayon ni Lacson dahil sa pagpapalabas nito ng Special Order (SO) #2654 na may petsang Disyembre 13, 2000 na nag-aatas na muling ibalik sa WPD si Concepcion habang sila ay nanatiling napatapon sa Mindanao.
Base sa SO na ipinalabas ni Lacson noong Nobyembre 6, 2000, iniutos na malipat sa puwesto ang 16 pulis-Maynila sa Police Regional Office 9, 10, 11 at 12, kabilang na rito si Concepcion. Gayunman, hindi umalis sa puwesto si Concepcion.
Ginamit umano ni Concepcion ang lagda ng mga bagong recruit na pulis na noon ay naitalaga sa CDM dahil sa kasagsagan ng mga naganap na rally sa pamamagitan ng dalawang "attendance sheet" na naka-attached sa isang petition letter na humihiling na huwag siyang alisin sa puwesto at ito umano ang isinumite nito kay Razon.
Si Concepcion ay may isang buwan na nakapuwesto sa CDM nang malathala sa pahayagang ito na ginagatasan niya umano ang kanyang mga tauhan ng P4,000 kada sahod.
Gayunman, pinabulaanan ito ni Concepcion at sinabi na dapat na kuwestiyunin ang dating hepe ng CDM na siya umanong pasimuno ng naturang anomalya. (Ulat ni Ellen Fernando)