Kumanta ng sintunado, lolo nagwala, pumatay ng kustomer

Isang lolo ang nanaksak at nakapatay ng isang kostumer matapos kantahin ng sintunado ang paboritong awitin ng una na "Luha," kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ni Supt. Benjardi Mantele, Central Police District station 10 chief, ang naarestong suspek na si Demetriou Bergonia, 64, ng Bgy. Piñahan.

Namatay naman habang ginagamot sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Gonzalo dela Cruz, nakatira sa Kamias, QC.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 kamakalawa ng gabi habang nakikipag-inuman ang suspek sa kanyang mga kaibigan sa loob ng Jade KTV sa Kamias Rd. ng marinig nitong kinakanta ng biktima ang paborito niyang awiting "Luha" na pinasikat ng Aegis Band.

Pero wala umano sa tono ang ginawang pagkanta ng biktima at puro sigaw lamang anya ang ginawa kaya nilapitan ito ng suspek na lolo at pinahinto dahil binababoy umano nito ang pagkanta ng kanyang favorite song.

Pero hindi tumigil sa pagkanta ng wala sa tono ang biktima kaya lalong naasar ang lolo at binunot ang dalang balisong saka sinaksak ng ilang ulit ang biktima.

Nakakulong sa CPD station 10 ang suspek at inihahanda ang pagsasampa ng kasong homicide. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments