Kinilala ang mga naarestong sina Antonio Maala, 46; Mario Reyes, 32; Bernabe Habana, 45; Jonathan Eusebio, 26, pawang ng Novaliches, QC at Oscar Lequido, 35, ng Maysan, Valenzuela City.
Narekober sa mga suspek ang 14 balikbayan boxes na naglalaman ng mga regalo para sa mga kaanak ng mga OFWs sa Tarlac na ipinadala sa Focus Forwarders na may opisina sa #9 Greenland Circle, Bgy. Rosario, nasabing lungsod.
Unang iniulat ni Noel Conoza, manager ng Focus Forwarders ang pagka-highjack ng kanilang Canter delivery truck na naglalaman ng may P200,000 halaga ng mga padala dakong alas-3 ng madaling-araw noong Disyembre 23 sa Bgy. Anupul, bayan ng Bamban. Inilipat muna ng mga suspek ang lahat ng laman ng van bago tuluyang tumakas.
Agad nagpadala si Supt. John Sosito ng kanyang mga tauhan sa naturang lugar at sa pakikipagtulungan ng Bamban police ay nagsagawa ng operasyon.
Kamakalawa ng gabi ay napansin ng mga pulis sa Bamban highway ang isang nakaparadang jeepney na may plakang THL-871 na kahina-hinala ang limang sakay. Nang kanilang sitahin ay hindi nakapagsalita ang mga ito kung bakit hatinggabi na ay nasa highway pa ang mga ito na tila may hinihintay.
Dinala ang lima sa istasyon ng pulis at dito umamin. Nagsagawa ng inspeksiyon sa bahay ng mga suspek at nabawi ang mga balikbayan boxes na nakatakda namang ibalik sa mga may-ari nito para sumaya ang pagdiriwang nila ng kapaskuhan, kahit huli na. (Ulat ni Danilo Garcia)