Ama nangaral sa anak pinatay

Isang ama ang namatay matapos itong pagsasaksakin ng anak na nainis sa pangangaral nito kahapon ng umaga sa Pasay City.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang biktima na nakilalang si Avondio Helarido, may sapat na gulang at residente ng Area G, 198 Chest Clinic Compound, Maricaban ng nasabing lunsod, sanhi ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, ang suspek na anak nito ay nakilala namang si Ronaldo, 27 anyos ay mabilis na tumakas pagkatapos ng krimen.

Base sa imbestigasyon ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng umaga sa nabanggit na lugar ay lasing sa alak at umaga nang umuwi ng bahay ang batang Helarido.

Ikinagalit ito ng matandang Helarido at pinangaralan ang anak na itigil na ang paglalasing.

Subalit nagalit ang suspek at nandilim ang paningin at nang makahagilap ito ng patalim walang pakundangang pinagsasaksak ang sariling ama. (Lordeth Bonilla)

Show comments