Si SPO2 Celso Cabrera, dating nakatalaga sa WPD station 3 ay napatapon sa Zamboanga City matapos umanong gawing basehan ng PNP ang kanyang pagkakaugnay sa umanoy 15-30 gang na nalathala sa pahayagang ito noong Set. 4, 2000.
Ipinaliwanag ni Cabrera at pinatunayan ng isang official report mula sa Bicutan na siya ay sumailalim sa "Operation Pot Belly" o pagpapaliit ng tiyan na umabot ng halos dalawang buwan.
Idinagdag pa ni Cabrera na ang mga buwan mula Hulyo hanggang Setyembre ay nagugol niya para makuha ang waistline na 34" o mas mababa pa.
Kabilang sa ipinakitang dokumento ng naturang pulis bago ito nadestino sa Zamboanga City ay isang medical certificate na nagpapatunay na siya ay diabetic at mayroong heart problem na kinakailangan ng complete rest.
Kaya nagulat na lamang anya siya ng magkaroon siya ng order for transfer gayong walang naganap na imbestigasyon.
Ang paliwanag ni Cabrera ay para linisin ang kanyang pangalan at ituwid na hindi siya kabilang sa 15-30 gang.
Ang nabanggit na gang ay isang tiwaling grupo ng mga pulis na ang modus operandi ay regular na makatanggap ng kanilang sahod kada 15 at 30 kahit hindi nagrereport sa kanilang tungkulin. (Ulat ni Andi Garcia)