Nahuling katalik ang ka-live-in, welder minartilyo

Pinagpapalo ng martilyo sa ulo ang isang welder matapos itong mahuli ng kanyang kapitbahay na nakikipagtalik sa ka-live-in ng huli, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Putok ang ulo na isinugod sa pagamutan si Richard Padan, 31, binata, ng 105 Raja Suliman st., nasabing lungsod samantala nakapiit sa SIID detention cell ang suspek na si Joselito Arroyo, 33, binata, polio victim at residente ng #104 nabanggit ding lugar.

Napag-alaman na matagal na umanong sinusubaybayan ng suspek ang kanyang ka-live-in na hindi binanggit ang pangalan at si Padan dahil sa hinalang may relasyon ang dalawa.

Muling sinubaybayan ng suspek ang kilos ng dalawa at dakong ala-1:30 ng madaling araw ay nagtaka ang suspek nang hindi niya nadatnan ang babae sa kanilang bahay.

Hinanap niya ito at natagpuan sa aktong nakikipagtalik sa biktima sa bahay nito. Sa galit sa nasaksihan ay pinagpapalo nito ng martilyo ang biktima. Nakatakbo ang huli pero hinabol ng suspek at ng maabutan ay sinaksak sa kaliwang braso.

Agad namang nadakip ang suspek ng mga barangay tanod matapos humingi ng tulong ang biktima. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments