Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela District Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang dibdib si Indolicio Corona, 34, ng 110 Phase 1, Sitio Kaingin, Gen. T. de Leon ng nabanggit na lungsod samantalang ginagamot sa nasabi ring pagamutan ang mga kapitbahay nito na sina Renato Guyad, 39, na nagtamo ng mga saksak sa katawan at sa Jose Reyes Memorial Medical Hospital, si PO3 Elpidio de Guzman, 43, nakatalaga sa Lucena City police station.
Base sa ulat ni P/Insp. Francis Gordon, deputy chief ng Valenzuela Police SID, bago ang insidente ay parang wala sa sarili ang nasawi nang ito ay sapilitang pumasok sa bahay ni Guyad sa pamamagitan ng pagwasak nito sa pintuan ng bahay.
Pagpasok sa loob ng bahay ay agad na kinompronta ni Corona si Guyad dahilan sa sinisisi ito sa pagkawala ng kanyang asawa na naging dahilan ng pagtatalo ng dalawa.
Habang nasa kainitan ng pagtatalo, biglang binunot ng nasawi ang isang gunting mula sa kanyang baywang at pinagsasaksak si Guyad saka tumakbo palabas.
Nakasalubong nito ang nagrespondeng pulis na si PO3 de Guzman at nang magkatapat sila ay inutusan ng pulis si Corona na bitiwan ang hawak na gunting pero sa halip na sumunod ay pinagsasaksak nito ang naturang pulis na tinamaan sa mukha at ibat ibang parte ng katawan.
Dahilan dito kayat napilitan umano si de Guzman na bunutin ang kanyang baril at paputukan si Corona. (Ulat ni Gemma Amargo)