Nakilala ang suspek at nabiktima na si Ma. Lourdes Velarde, tubong Naga City at naninirahan sa bahay ng kanyang among si Cleotilde Elmedolan, 62, ng Pantaleon st., Bgy. Barangka Ibaba, nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na namasukan bilang katulong kay Elmedolan si Velarde nitong Nobyembre 21. Umuwi ng kanyang bahay buhat sa isang party si Elmedolan noong hatinggabi ng Disyembre 7 at nakatulog sa sofa ng sala.
Nang magising ito dakong umaga, hindi na niya nakita ang kanyang bitbit na shoulder bag na naglalaman ng P26,000 halaga ng alahas at P30,000 halaga ng salapi. Bukod dito, tinangay rin ni Velarde ang kanyang cellphone, isang plantsa, dalawang tseke na may halagang P1,262, grocery items na may halagang P2,000 at mga imported na damit na may halagang P5,000.
Sa pagtatapat naman ng kapitbahay nilang si Michael Gonzaga, nagpatulong si Velarde sa kanya na isakay sa isang pampasaherong jeep ang tatlong plastic bag na naglalaman ng mga ninakaw na gamit at dala rin nito ang bag ng kanyang amo. Sinabi umano sa kanya na inutusan lamang siya ni Elmedolan.
Naglalakad naman malapit sa isang bus terminal sa Pasay City si Velarde dakong alas-8 kamakalawa ng gabi nang maispatan ng isang snatcher. Agad nahablot ang dala niyang shoulder bag, pero dahil sa paghingi ng saklolo, naaresto ng mga nakatalagang pulis ang snatcher.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nadiskubreng hindi kay Velarde ang naturang bag. Nang isauli ito sa tunay na may-ari, wala na ang P30,000 pera at tatlo niyang singsing na may halagang P20,000.
Ayon kay Velarde, nagawa niya ang krimen sa kagustuhang makapag-uwi ng mga regalo sa kanyang mga kamag-anak sa Bicol at makapaghanda sa darating na Pasko. (Ulat ni Danilo Garcia)