Si Julian Zapanta, 63, may asawa at miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Batch 16 ay hindi na umabot pang buhay sa Mary Johnston Hospital bunga ng tama ng baril sa kaliwang bahagi ng kanyang panga at naglagos sa kanang bahagi ng kanya ring panga.
Sa pagsisiyasat ni Detective Jimmy Labarda, officer-on-case, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi habang nakasakay ang biktima kay Edilberto Navarosa, pedicab driver ng Morga st., Tondo.
Ayon kay Navarosa, kasalukuyan siyang naglilinis ng kanyang sasakyan sa nabanggit na lugar nang lapitan siya ng biktima at nakiusap na kung maaari ay ihatid siya sa bahay ng kaibigan nito dahil isasauli niya (biktima) ang hiniram nitong baril na kalibre .38 Smith and Wesson.
Habang tinatahak nila ang naturang kalye, nagulat na lamang si Navarosa nang biglang makarinig ng isang putok ng baril sa kanyang tabi. "Sinilip ko po si Mang Julian at nagulat ako dahil duguan siya at nakahandusay sa loob ng aking sasakyan kayat kaagad ko siyang hinatid sa ospital," sabi ni Navarosa.
Nabatid ng pulisya na mayroong malaking problema sa kalusugan ang biktima makaraang mabatid na malala na ang sakit nito sa kidney na maaaring naging daan upang kitlin nito ang sariling buhay.
Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na si Zapanta ay nagtungo sa Saudi Arabia noong 1980 at dalawang taong nawala sa pagka-pulis at nang magbalik ito upang mag-report muli sa PNP ay idineklara itong absent without official leave (AWOL) at natanggal sa serbisyo. (Ulat ni Ellen Fernando)